Dalamhati ng Isang Macabebe

10178129_869089096446589_8574970333021328575_n
Minsan sa isang akademikong pagtitipon natanong ako nang malaman na taga-Macabebe, Pampanga ako: “may kuryente ba sa Macabebe?” Mayroon naman, wika ko. Ngunit nagulat ako sa sunod niyang sambit: “May Macabebe pa pala ngayon; akala ko sa libro ko lang sila makikita.” K. Tnx. Bye.

Isang araw pinasyalan ako ng aking kababata sa aming dating bahay sa San Francisco, Macabebe, Pampanga. Kapuwa nasa unang taon kami noon sa kolehiyo; kaibahan nga lamang, sa Malolos, Bulacan ako nag-aral at siya sa Maynila. Bakit daw siya tinawag na taksil ng propesor niya sa Kasaysayan ng Pilipinas nang magpakilala sa klase na mula siya sa Macabebe, Pampanga. “Mahabang kuwento,” tanging nasambit ko. Alam ko namang tatamarin siya sa pakikinig kapag ikinuwento ko.

Lumipas ang dalawang linggo, muli niya akong pinasyalan. Sa pagkakataong ito, dala-dala niya ang kaniyang biniling teksbuk sa Kasaysayan ng Pilipinas. Nabasa niya ang Macabebe sa ilang pahina ng teksbuk. Tanong niya sa akin, “may kapangalan ba ang Macabebe?” Doon na ako nagkuwento sa kaniya. Bigla ko tuloy naalala noon na nang ako’y Grade 5, habang tinitingnan ko kung may sira ba ang teksbuk ko sa Heograpiya, Kasaysayan, at Sibika bago isauli, natiyempuhan ko ang pahinang may ilustrasyon ng pagdakip ng hukbong Amerikano kay Pangulong Emilio Aguinaldo; at sa kapsyon nito mababasa na kabilang ang 81 sundalong Macabebe sa dumakip. Wala rin akong idea noon kung bakit nakasulat sa aklat ng kasaysayan ang Macabebe. Tanong ko rin noon: “‘di nga kaya may kapangalan ang bayan namin.”

Tulad ng kamag-aral ko, hindi ko rin naman alam noong una kung bakit kadikit ng pangalang “Macabebe” ang mga salitang taksil at dugong aso. Lamang nga lang ako sa kaniya dahil nasa kolehiyo na siya nang mapagtanto ang mga ito, habang hasykul pa lamang kami ay nakiliti na ang diwa ko na alamin ang kuwento sa likod ng mga pagturing na ito sa mga Macabebe. Natural lamang na magtanong ako sa aming mga guro noon. Paliwanag ng isang guro namin, noon daw panahon ng Hapon maraming MAKAPILI sa Macabebe; ayon naman sa isa, may isang sundalong Macabebe na pinugutan ang sarili at inilagay sa loob ng ulo ang watawat ng Pilipinas kaya tinawag kaming dugong aso mula noon.

Tulad ko at ng aking kamag-aral, halos walang malay ang maraming Macabebe sa kahapong mayroon ang aming bayan. Ni walang pumapansin sa panandang pangkasaysayan ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas para kay Vicente Manansala, Pambansang Alagad ng Sining sa Sining Biswal, sa tabi ng munisipyo (duda pa nga ako noong nasa elementarya ako kung taga-Macabebe bang talaga si Manansala, dahil kilala siyang pintor), at ni walang nakakakilala kung sino ang matandang kamukha ni Datu Puti sa monumento sa may Plaza. Mabibilang ko lamang sa daliri ang kilala kong Macabebe na may kabatiran sa pinagdaanan ng aming bayan. Patunay ito na walang halos naipasang kuwento sa amin ang mga magulang o mga lolo’t lola namin. Nalaman lamang namin ang kuwento ng Macabebe sa paaralan.

Sa Bulacan, kung saan dito ko ginugol ang malaking bahagi ng aking pagkabata, buong puso’t taas-noo nilang ibinabandera ang napakayaman nilang kasaysayan. Ganoon din naman ang mga taga-Naga (sapagkat Bikolana mula sa Canaman, Camarines Sur ang aking ina). Ipinanganak at lumaki ako sa Macabebe, ang bayan ng aking ama, na ang tanging alam ko noon rito ay isang bahaing bayan, nagbebenta ng mga santo sa provincial highway, at maraming mabibiling alimango, hipon, at taba ng talangka. Napakaordinaryo ng tingin ko noon sa Macabebe.

Alam kong maraming Macabebe na rin ang nakakita ng Macabebe sa mga teksbuk, o ‘di kaya’y dumanas ng birong “taksil” at “dugong aso” noong kolehiyo. Kung malaman man namin sa paaralan ang dahilan ng pagtawag sa amin ng taksil at dugong aso, handa ba kaming harapin ang mga “paratang” na ito? Na habang itinuturo sa amin ang tungkol sa Katipunan at sa rebolusyon, kabilang ‘di umano ang mga ninuno namin sa mga kumampi sa mga Espanyol upang puksain ang mga katipunero sa Gitnang Luzon? Na ‘di umano’y mga bayarang sundalo ng mga Amerikano ang aming mga ninuno na silang tumapos sa pangarap ng mga Pilipino na lumaya? Dahil wala kaming kaalam-alam, at tanging mga teksbuk at karunungan ng aming mga guro ang pinanghahawakan namin, magagawa pa ba naming salungatin ang mga detalyeng ito kung may kasalu-salungat man? May narinig pa nga akong kuwento na may isang taga-Macabebe ang sumagot-sagot sa propesor nito: “bakit, kasalanan ko pa rin ba ang kasalanan ng mga ninuno ko?” May punto nga naman siya, ngunit sa ayaw at sa gusto namin, pasan-pasan namin ang kahapong mayroon ang aming bayan; na hindi namin matatakasan ang kumplikadong kasaysayang ginawa ng aming mga ninuno; na dalawa lang ang maaaring gawin namin: aralin ang kasaysayan (para sa mga nais humanap ng kaliwanagan) o baliwalain na lamang ito (para sa mga pagod na at hahayaan na lamang sapuhin ang mga paratang).

Sa kabila ng amnisyang dinaranas ng Macabebe, mapalad pa rin ito sapagkat may mga bakas pa rin siya ng kahapon nito na maaaring makapagpaliwanag sa ginampanan nito sa kasaysayan.

Kung pupunta ka sa Macabebe, bubungad sa’yo ang naglalakihang bahay na nakahanay sa kalsada. Halos may mga lolo at lolang beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig kasi ang mga pamilyang may-ari ng mga ito. Pensyonadus kung tawagin sila sa Macabebe. Marapat lang ding banggitin na marami ring mga Macabebe ang tumira sa Estados Unidos, na pribilehiyo nila bilang kasapi ng Philippine Scouts. Kabilang ang pamilya namin sa mga pensyonadus: ang lolo ko at ang mga ninuno ng aking ama ay pawang mga sundalo.

May ilang taon na ang nakaraan, may nagbalikbayan sa Macabebe mula sa Estados Unidos matapos ang ilang dekada. Nakarating ang pamilya niya sa Estados Unidos dahil Philippine Scouts ang kanilang lolo sa tuhod. Ayon sa mga kamag-anakan niya, isa raw ang kanyang lolo sa mga humuli kay Aguinaldo, na ayaw niyang paniwalaan. Sa kabila ng pag-aalinlangan, naikuwento niya kung paano naging Philippine Scout ang kanyang lolo, batay sa pagkakatanda niya. Isang araw, ang daming tao sa Plaza. Inakala ng lolo niya na may rasyon ng bigas, kaya’t nakipila ito. Nang marating ang harapan, tinanong ng isang Amerikano ang lolo niya kung magsusundalo ba siya. Dala ng pagkabigla, napasagot ang lolo niya ng “oo,” sabay abot sa kanya ng uniporme. Nadestino sa Mindanao ang kanyang lolo at kalauna’y napili na maging isa sa dadakip kay Aguinaldo.

Noong nasa elementarya ako, may matandang lalaki na lagi kong binibilhan ng yelo at nakatira sa tapat ng paaralan namin. Binisita ko siya ilan taon na rin ang nakalipas para kumustahin. Naidala ko ang kuwentuhan namin tungkol sa Macabebe Scouts, ang mga sundalong tumulong sa pagdakip kay Aguinaldo. Wala siyang matandaan na hinuli ng Macabebe Scouts si Aguinaldo at saan ko raw naman nalaman iyon. Naririnig lamang niya ang salitang “Macabebe Scouts” noon, dahil ang ama niya mismo ay isang Macabebe Scouts. Sa kanya ko lang nalaman na insurektus (mula sa Espanyol na insurrecto o rebelde) pala ang tawag noon ng matatanda sa Macabebe sa mga rebolusyonaryong tulad nina Bonifacio at Aguinaldo; manipestasyon ito na mababa ang tingin ng mga Macabebe noon sa rebolusyon.

Minsan naman, may tatlong matatandang babae ang pumasyal sa amin. Pasko noon, at akala ko mga namamasko sila na hindi namin kilala. Nang lumabas ang tiyahin ko, laking gulat nito na mga kapatid sila ng lolo ko. Iyon din ang unang pagkakataon na nakilala ko ang ilan sa napakaraming kapatid ng lolo ko. Naging pagkakataon ko na ito na tanungin sila tungkol sa pamilya namin. Akala ko noon ordinaryong taga-Macabebe lamang ang mga Alfonso, ngunit sa mga kuwento nila, ang laki pala ng ginampanang papel ng pamilya namin sa nakaraan. Dating alkalde ng Macabebe ang lolo nila, si Engracio Alfonso, at nasa listahan nga ng mga naging alkalde ang pangalang iyon. Nasabi ko rin sa kanila na may isa pang Engracio, na malamang ay tatay ng lolo nila, na dating gobernadorcillo ng Macabebe noong panahon ng mga Espanyol. Nakita ko rin sa libro de bautismos ng Macabebe na may tiyuhin din silang Engracio ang pangalan. (Nakakatuwa lang isipin na ang pangalan ng lolo at tiyuhin ko ay Engracio rin.) Juan ang pangalan ng ama nila, ang aking lolo sa tuhod. Hindi ito ang unang beses na narinig ko ang pangalang Juan Alfonso; mayaman at mayabang ang deskripsyon sa kanya at “Don Juan” ang tawag ng mga Macabebe sa kanya. Pinatotohanan naman ito ng mga lola ko at sinabing lima ang asawa nito, kaya’t ang dami nilang magkakapatid. Ang huli at legal nitong asawa ay anak ng mayamang pamilyang Victoria ng Hagonoy, Bulacan. Ayon pa sa mga lola ko, may isa raw litrato noon sa matandang bahay ng mga Alfonso na kasama ni Don Juan si Aguinaldo, at sila rin ay hindi bilib kung si Aguinaldo nga iyon.

Patunay ang mga kuwentong ito na hindi kapani-paniwala ang koneksyon ng Macabebe sa pambansang kasaysayan. Para bang ipinaparating ng mga reaksyon nila, “Si Aguinaldo, kilala ang Macabebe? Imposible!”

Samantala, tuwing pistang bayan, pinagtatakhan ko noon kung bakit kapag nagsisimula na ang nobenaryo para sa patron ng Macabebe (San Nicolas de Tolentino) tuwing ika-29 ng Agosto, laging may nakabuntot na mga kadete ng PMT/CAT at ROTC mula sa iba’t ibang paaralan ng Macabebe at Masantol. Animo’y hinahatid at binabantayan nila ang patron. Hindi rin maipaliwanag ng mga kaibigan kong taong-simbahan ang tradisyong ito; basta raw nandiyan na iyan, wala pa kami at ang mga matatanda sa mundong ito. Naisip ko tuloy, hindi kaya tradisyong militar ito mula pa noong panahon ng mga Espanyol?

Sa mismong araw na ng pista, ika-10 ng Setyembre, may tinatawag na batalla, na isang nakakaaliw na tradisyon sa Macabebe. Sa Espanyol, “labanan” ang ibig sabihin ng batalla. Kapag pabalik na ang poon sa simbahan, tutugtugin na ng mga banda ng musiko ang tradisyonal na tugtog ng batalla. Masaya at masiglang tugtugin ito. Naglulundag at naghuhumihiyaw ang mga nagpuprusisyon kapag tinutugtog na ito, animo’y kagagaling lamang sa tagumpay ng labanan. May bersyon din ang batalla sa mga nayon; niyuyugyog at iniiikot-ikot pa nga ang andas ng poon, lalo na tuwing pista ni Sta. Rita sa nayon ng Dalayap. May ilan ding nagsasaboy ng pira-pirasong papel o talutlot ng bulaklak, o dinurug-durog na kandila, at sa ibang pagkakataon, tubig.

Tinext ako minsan ng nakababata kong kapatid. Tinutugtog daw sa pelikulang Knight and Day ni Tom Cruise ang batalla. Tinugtog ang batalla sa naturang pelikula sa bahaging nadaanan nila Tom Cruise ang isang pista ng mga toro sa Espanya. Isang hatinggabi, nagpe-facebook ako. Naispatan kong naka-online ang kaibigan kong Espanyol na taga-Madrid. Ipinahanap ko sa kanya ang link sa YouTube ng batalla ng Macabebe. Nagulat siya: bakit daw may ganoong tugtog sa Pilipinas. Ang tugtog pala na gamit sa batalla ng Macabebe ay siya ring tugtog na gamit sa isa sa pinakamalaking pista sa buong mundo, ang Sanfermines ng Pamplona, Espanya. Iyon din ang pista sa pelikula ni Tom Cruise. Dagdag pa ng aking kaibigang Espanyol, walang Espanyol ang ‘di nakakaalam ng Sanfermines. May titik itong kinakanta bilang nursery rhyme sa Espanya: “Un de Enero, dos de Febrero, tres de Marso, cuatro de Abril, sinco de Mayo, seis de Hunyo, siete de Hulyo, Viva San Fermin!

Samantala, may isang historyador naman ang nagbigay sa akin ng kopya ng isang liham ni Engracio Alfonso sa pinuno ng hukbong Amerikano sa Pampanga (hindi pinangalanan sa dokumento ngunit si Maj. J. Franklin Bell ito) na may petsang 20 Hunyo 1899 mula sa Philippine Revolutionary Records ng Pambansang Aklatan. Pansamantalang Presidente Municipal ng Macabebe ang lolo kong ito sa talampakan. Sa naturang liham inireklamo nito ang kalupitan nina Aguinaldo, Hen. Antonio Luna (pinaslang na pinuno ng hukbong Pilipino sa Maynila), at Hen. Tomas Mascardo (komandante ng hukbong Pilipino sa Pampanga) sa mga Pilipino at sinuguro na kumpleto ang suporta ng Macabebe sa Estados Unidos.

Ano kaya ang pinanggalingan ng lolo ko sa talampakan at nasabi niya ang mga ito?

Sa talumpati nito sa Lotos Club ng New York noong 8 Marso 1902, ikinuwento ni Hen. Frederick Funston, pinuno ng hukbong Amerikano na dumakip kay Aguinaldo, ang sariling paliwanag kung bakit galit ang mga Macabebe kay Aguinaldo. Noon daw 1899, may 300 Macabebe ang ginapos sa loob ng Simbahan ng Macabebe at sinunog ng buhay ng puwersa ni Aguinaldo.

Noong 1911, habang nangongolekta ng datos tungkol sa Macabebe si Luther Parker, isa sa mga Thomasite at iskolar ng Araling Pilipino noong ika-20 siglo, nakilala niya si Padre Juan Guevarra, noo’y kura ng bayan. Binanggit ng kura kay Parker na sinunog ng hukbo ni Aguinaldo ang simbahan ng Macabebe noong 27 Abril 1899. Hindi dinitalye ang kuwento ng pagsunog, ngunit sa kapsyon ng isa sa mga kuhang larawan ni Parker sa mga guho ng simbahan, binanggit nitong si Luna ang nag-utos na sunugin ang simbahan. Hindi naman binanggit ni Parker ang batayan nito. Malamang, maaaring iniugnay ni Parker ang pagsunog sa Macabebe sa utos ni Luna na sunugin ang Simbahan ng Malolos (ang kumbento nito ang nagsilbing palasyo ni Aguinaldo) at Simbahan ng San Fernando, Pampanga noong unang mga buwan ng Digmaan Laban sa Estados Unidos. Ngunit isa pang maaaring batayan ni Parker ay ang bulong-bulungan noon na uubusin ni Luna ang populasyon ng Macabebe sa pamamagitan ng pagsunog sa kanila kasama ang lumang barko sa gitna ng Look ng Maynila dahil sa ‘di nila pagsuporta sa rebolusyon.

Isang Kapampangang heneral mula sa Arayat, Pampanga na si Jose Alejandrino, kumandante ng hukbong Pilipino sa Gitnang Luzon, ang kumumpirma na hindi totoo ang sabi-sabing ito na pag-ubos sa mga Macabebe ni Luna. Kasama ang isa pang prominenteng Kapampangan mula sa Apalit na si Macario Arnedo, personal nilang binisita si Luna sa Malolos at nakiusap na huwag ituloy ang plano nito sa Macabebe. Para matigil ang haka-haka, si Luna mismo ang tumungo sa Macabebe at kinalma ang mga taga-rito.

Noong dekada ‘50, inatasan ni dating Pangulong Elpidio Quirino ang Kagawaran ng Edukasyon na himukin ang mga guro na idokumento ang kasaysayan at kulturang lokal ng bawat bayan upang ipalit sa mga talang pangkasaysayan na kasamang nasunog ng Pambansang Aklatan at Museo noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Tinatawag ito ngayong Historical Data Papers (HDP) ng Pambansang Aklatan. Sa HDP ng Macabebe noong 1953, nabanggit ang pagsunog sa simbahan. Malinaw pa sa diwa ng ilang matatandang nakapanayam ng mga guro noon ang kagimbal-gimbal na pagsunog. Itinuro nilang salarin ang isang nagngangalang “Heneral Kalintog.” Mayroong isang heneral ng rebolusyon, si Vicente Leyba (Leiva) ng Mandaluyong, na tinawag na “Heneral Kalentong,” ngunit napatay siya sa isang engkuwentro sa San Rafael, Bulacan noong Nobyembre 1897. Isa pang katunog ng “Heneral Kalintog” ay si “Koronel Yntong.” Siya’y si Agpito Bonzon, Kabitenyong pinuno ng hukbo ni Aguinaldo na dumakip kay Bonifacio sa Limbon, Indang, Cavite at sinasabing gumahasa kay Gregoria de Jesus, asawa ng Supremo. Ipinadala ni Aguinaldo si Bonzon sa Pampanga upang sakupin ang Macabebe mula sa mga Espanyol noong Hunyo 1898. Sa ulat nito kay Aguinaldo noong 28 Hunyo 1898, ipinakilala ni Bonzon ang sarili bilang “Jefe ng Macabebe.” (Matapos makuha ng mga rebolusyonaryo ang Macabebe mula sa mga Espanyol, isang kautusan ang ipinakalat sa mga bayan ng Pampanga: ang hulihin ang sinumang taga-Macabebe, babae man o lalaki, bata man o matanda, ano man ang estado nito sa buhay, sa labas ng Macabebe. Ipinag-utos din ang pagpigil sa pagpasok ng anumang pagkain sa bayan hangga’t hindi sumasama ang mga Macabebe sa rebolusyon.)

Sa HDP rin ng Macabebe nabanggit si Domingo Suñga, presidente municipal ng Macabebe noong sinunog ang simbahan. Noong 2007, may ikinuwento si Alfonso Leyson, Jr., apo ni Eugenio Blanco, kumandante ng Voluntarios de Macabebe na tumulong sa mga Espanyol na puksain ang mga Katipunero sa Gitnang Luzon, na mga “Sunga” ang nakiusap sa mga rebolusyonaryo na sunugin na lamang ang simbahan at pakawalan ang mga Macabebe. Matapos ang pagsunog, idinala ng mga rebolusyonaryo sa San Isidro, Nueva Ecija ang malaking kampana ng Macabebe.

Sa katunayan, nangyari ang pagsunog sa Simbahan ng Macabebe dalawang araw makaraang bumagsak sa kamay ng mga Amerikano ang punong himpilan ni Luna sa Ilog Bagbag, Calumpit, Bulacan, kapitbahay lamang ng Macabebe. Noong 29 Abril 1899, ginulat ng isang grupo ng kalalakihan mula sa Macabebe suot-suot ang pinakamagagara nilang puting damit, ang mga Amerikanong nakaestasyon sa Calumpit. Mga dating Voluntarios de Macabebe sila at nais ng mga itong tulungan ang mga Amerikano sa pag-atake kay Luna na nasa Pampanga na noon. May mga Macabebe ring nagmartsa sa San Fernando upang makiusap kay Bell na tanggapin sila at palayain ang Macabebe. Naantig si Bell sa panawagan ng mga Macabebe kaya’t sumadya mismo ito sa bayan. Noong 1 Mayo 1899, ipinagbunyi ng mga Macabebe ang pagdating ng mga Amerikano. Gumawa rin ng sariling watawat ang Macabebe hango sa disenyo ng watawat ng Estados Unidos.

Dahil mga sanay na bangkero at sundalo, nakatulong ng malaki ang mga Macabebe sa operasyon ng hukbong Amerikano sa Gitnang Luzon. Hindi pa tahasang tinatanggap ng hukbong Amerikano ang mga Macabebe at inalam muna nila ang sitwasyon ng biglang pagkampi ng mga ito. Napag-alaman ni Tinyente Matthew Batson, na inatasan ni Bell na magtatag ng grupo ng kalalakihang Macabebe na tutulong sa mga Amerikano, na bago dumating ang mga Amerikano, laging pinagnanakawan ng mga rebolusyonaryo ang bayan at ‘di mabilang na Macabebe ang pinugutan ng ulo. Binigyan ng pagkakataon ni Aguinaldo ang mga Macabebe na sumama sa rebolusyon ngunit patuloy na tumanggi ang mga ito. Bukod sa simbahan, sinunog ng mga rebolusyonaryo ang iba pang gusali ng pamahalaan at malalaking bahay.

Ayon kay Dean Conant Worcester, komisyoner ng Second Philippine Commission, may isang pinuno sa Macabebe ang nag-ulat (malamang si Engracio) na binubugbog sa plaza ang mga Macabebe at iginagapos sila sa katirikan ng araw.

Noong 9 Setyembre 1899, inaprubahan ng mga opisyal ng hukbong Amerikano ang pagtanggap sa mga sundalong Macabebe bilang pormal na sundalo ng Estados Unidos. Kinabukasan, nataong pista ng Macabebe, isang malaking pagdiriwang ang isinagawa at itinaon dito ang pormal na inagurasyon ng Macabebe Scouts. Sa kabila ng pagtutol ng ilang pinunong Amerikano, pinatunayan ng mga Macabebe na karapatdapat sila sa pagtitiwalang ito.

Nang mabalitaan ni Aguinaldo ang pagkatatag ng Macabebe Scouts, agad niyang tinawag na taksil ang mga Macabebe at ipinag-utos na patayin sila nang walang pasubali. Pinangako rin nito na matapos lamang sila sa pagharap sa mga Amerikano, babalikan nila ang mga Macabebe at ang iba pang taksil na Pilipino. Mula noon ikinabit na sa salitang makababe ang salitang taksil.

Sa kanyang artikulong “Seamos Justos” (“Maging Patas Tayo”) sa paghayagang La Independencia noong 4 Nobyembre 1899, ikinalungkot ni Apolinario Mabini, na nagbitiw sa gabinete ni Aguinaldo anim na buwan ang nakalipas, ang pagyurak ng mga Pilipino sa pangalan ng Macabebe. Itinuring niya itong sakit, pang-iinsulto sa mga ninuno ng mga Macabebe na walang kamalay-malay sa nangyayari. Ayon pa kay Mabini, naglipana kahit saan ang kataksilan at hindi makatarungang ibunton lamang ito sa isang bayan. Sa ginawang ito ng mga rebolusyonaryo, sinira nila ang kinabukasan ng Macabebe sapagkat maraming inosente at ang mga susunod na henerasyon ang hiniya nila.

Marahil, nadama ng mga Macabebe noon ang pangungutya ng mga kababayan dahil sa mga desisyon nila. Upang iparating ang mensahe ng pakikiisa sa diwa ng pagiging isang bayan, nagpatayo mismo ang mga Macabebe ng monumento ni Rizal noong 1919. Limang taon ang nakalipas, ipinatayo naman nila ang monumento ng isang batang pinunong unang lumaban sa mga Espanyol nang dumating ang mga ito sa Luzon noong 1571. Wala siyang pangalan sa mga dokumentong Espanyol, ngunit malinaw ang paggigiit ng batang pinunong ito na palayasin ang mga dayo sa Maynila. Isang bumubulusok na mga salita ang itinapat ng naturang pinuno sa mga kinatawan ni Miguel Lopez de Legazpi: “Hatiin nawa ng araw ang aking katawan at tuluyan na akong ikahiya ng kababaihan sa puntong makipagkaibigan ako sa inyo.” Mahigit 2,000 sundalo ang pinamunuan niya na sumalakay sa mga Espanyol sa Look ng Maynila noong 3 Hunyo 1571. Lulan sila ng 40 caracoa, mga dambuhalang sasakyang pandagat gamit sa pakikidigma at malayuang kalakalan. Dahil sa pumuputok na armas ng mga Espanyol at tulong ng mga kaalyadong mandirigmang Bisaya, natalo ang mga Macabebe at napatay sa laban ang naturang batang pinuno. Itinuring siyang pinakamatapang sa kapuluan, at ang pagkatalo niya ang nagpalakas ng loob sa mga Espanyol na tuluyang sakupin ang Luzon.

Masasabing kabalintunaan ang mga monumentong ito sa Macabebe. Ngunit kailangan nating makita ang malakas na mensahe ng pagpapatayo sa mga istrukturang ito: na hindi kaiba ang Macabebe sa mga Pilipino. Sa huling digmaan nilang sinalihan, ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, napakaraming Macabebe ang lumaban sa mga Hapones. Ito ang huling pagkakataon nilang maisalba ang dangal nila, ng kanilang bayan, at ng mga susunod sa kanila.

Kung mayroon man tayong dapat matutunan sa masalimuot na kuwento ng Macabebe, iyon ay ang manindigan at ang diwa ng katapatan. Hindi ko naranasang mapahiya sa klase dahil taga-Macabebe ako, ngunit may nakilala ako na nang malamang ako pala’y taga-Macabebe ay natuwa! Ang sabi sa akin “wow, may Macabebe pa pala ngayon.” Hindi ko alam kung ano ba’ng gusto niyang palabasin, na tulad nina Lapu-Lapu, Dagohoy, Pelaez, Rizal, atbp. ay patay na rin ang Macabebe. Marami pang dapat malaman ang mga Pilipino at ang buong mundo sa Macabebe. Mapalad ang Macabebe ngayon dahil isa ito sa First Class Municipality ng Pilipinas. Malakas ang programa ng pamahalaang bayan sa promosyon ng kultura at kasaysayan ng bayan.

Manananaliksik pangkasaysayan ako ngayon, napakalayo sa pangarap ko noon na maging chemist, geologist, at IT programmer. Halos sampung taon na akong mag-aaral ng kasaysayan na ang diin ng aking pananaliksik ay tungkol sa panahong kolonyal hanggang sa Digmaan laban sa Estados Unidos, at patuloy pa ring mag-aaral ng kasaysayan. Ngunit may obligasyong moral ako na tulungang maibangon ang dignidad ng aking mga kabalen sa Macabebe, at iyon ay sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw sa nakaraan. May magandang sinabi sa “Seamos Justos” si Mabini, “Huwag nating ipagkait sa mabubuting Macabebe ang pagkakataong ayusin ang kasiraang idinulot sa kanila… at tulungan silang bumangon sa panig natin para mabawi ang dangal ng kanilang bayan… Alang-alang sa mabubuting Macababe, igalang naman natin ang pangalan ng kanilang bayan na nagsilang sa kanila.”

Advertisements

Published by

alfonsoian

Public servant, cultural worker, student of History, writer (of hugot posts, and some love poems and prose saved only in My Documents), brother to a Shih Tzu, hopeless romantic who believes in patience and consistency.

2 thoughts on “Dalamhati ng Isang Macabebe”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

w

Connecting to %s